1,000 ektarya ng bundok nilamon ng apoy
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Tinatayang nasa 1,000 ektarya na ang naabong kagubatan sa Cordillera matapos na gumapang ang wildfire mula sa bayan ng Kabayan patungo sa Brgy. Daclan sa Bokod, Benguet na naglalagablab hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Fire Inspector Roy Mayao ng Bokod Bureau of Fire Protection (BFP), nasa isang linggo na ang sunog sa kanyang teritoryo na nagsimula sa Kabayan-Bokod Abatan area hanggang umabot sa Barangay Daclan sa paanan ng pamosong Mt. Pulag.
Sinabi ni Mayao na kanilang inaapula ang apoy gamit ang nag iisang fire truck habang tinutulungan sila ng mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga mamamayan sa lugar.
Matatandaan na katatapos lamang ng siyam na araw na sunog sa Kabayan subalit muli na namang sumiklab noong Linggo ang forest fire sa nasabing bayan sa Barangay Eddet na hindi na mapasok ng pamatay sunog dahil sa matatarik na bangin at nagkakahulugang tipak ng bato.
Samantala bagama’t humupa na ang isang linggong forest fire sa Barangay Ambassador, Tublay, Benguet ay hindi pa rin nagdedeklara ng fire out ang BFP doon hangga’t hindi pa naaapula ang kahulihulihang baga sa lugar.
May 20 ektaryang tinatayang nasirang kagubatan sa nasabing sunog sa Tublay.
Pinaniniwalaang kagagawan ng tao gaya ng pagtatapon ng nagbabagang upos ng sigarilyo nagsimula ang mga nangyaring forest fire.
- Latest