MISAMIS OCCIDENTAL, Philippines — Patay ang isang pulis at isa sa limang armadong lalaki na hinihinalang miyembro ng sindikatong kriminal habang isa pa sa mga operatiba ang nasugatan sa shootout sa checkpoint sa bayan ng Libertad, Misamis Oriental nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 10 Director Police Brig. Gen. Rolando Anduyan ang nagbuwis ng buhay na parak na si Police Staff Sergeant Ronald Caayupan.
Ang nasawing suspect na napaslang sa operasyon matapos na manlaban ay nakilala namang si Jephon Fabriga Penangisan, 33 taong gulang ng Ozamis City habang nasakote naman ang kasamahan nito na si Richard Perez ng Sitio Mahayahay, Brgy. Bangkal, Lapu-Lapu City, Cebu.
Bandang alas-8:20 ng gabi habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa Taytayan Bridge sa kahabaan ng national highway Poblacion sa Barangay Dolong ng nabanggit na bayan ng dumaan ang kulay puting Mitsubishi Mirage na may plakang VOG 805.
Huminto naman ang mga suspect sa checkpoint subali’t agad nilang pinagbabaril ang mga pulis na nasa checkpoint na ikinamatay ni Caayupan at ikinasugat naman ng isang pulis na siya ring nakapatay sa suspect na si Penangisan.
Tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok sa checkpoint bago tumakas ang apat na suspect na tumalon sa tulay.
Gayunman, nadakip din sa follow-up operation ng mga awtoridad si Perez makaraang magtamo ng pilay dahil sa pagtalon sa tulay sa kasagsagan ng putukan.
Patuloy namang pinaghahanap ang tatlo pang nakatakas na mga kasamahan nito.