MANILA, Philippines — “Tuloy-tuloy na progreso.”
Ito ang tiniyak ni dating Supreme Court Justice at Marinduque Gov. Presbitero “Presby” Velasco Jr. sa mga mamamayan ng Marinduque para sa gaganaping sentenaryo ng lalawigan.
Sinabi ni Velasco sa mamamahayag na abala na sila sa paghahanda para sa nalalapit na anibersaryo ng Sentenaryo ng Marinduque kung saan magkakaroon ng iba’t ibang aktibidades ng isang linggo na pasisimulan sa Pebrero 16 hanggang Pebrero 22.
Ilan sa mga ibibida sa selebrasyon ay ang float parades, Moryonans parade, street dancing competition, commemorative stamp launching at historical tour.
“Ibibigay ko po lahat ng aking makakaya para sa ikagaganda ng Marinduque. Lalo na para sa ikabubuti ng aking mga mahal na kababayan,” wika ni Gov. Velasco.
“Ang lalawigan ng Marinduque ay ang tinaguriang puso ng Pilipinas. Ito ay lalong uunlad sa aspeto ng turismo, sa edukasyon, sa pagpapa-unlad ng mga inprastraktura at pagtutulungan ng mamamayan,” dagdag ng gobernador.
Inaasahan na dadagsain ang sentenaryo ng ilang turista at artista gayundin ang pagdalo ng ilang gobernador ng Pilipinas.
Si Gov. Velasco ang kasalukuyang presidente ng Liga ng Lalawigan ng Pilipinas (LLP).