Ambulansya hulog sa sapa: 2 todas, 3 sugatan
MANILA, Philippines – Dalawa katao ang iniulat na nasawi habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog sa sapa ang isang ambulansya habang bumabagtas sa kahabaan ng Sitio Ve-ey, Talubin, Bontoc, Mountain Province nitong Martes ng umaga.
Kinilala ni Cordillera Police Director P/Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson ang mga nasawi na sina Kurt Akiate at Frankln Angawa, driver ng ambulansya.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Rexton Duyabat, 20; Nelda Joy Tapyugan, 23, at Annabel Atang, 31.
Bandang alas -7:50 ng umaga nang aksidenteng mahulog ang ambulansya na may limang sakay kabilang ang isang pasyante na ihahatid sa opsital sa tinatayang 150 metrong lalim na sapa. Kasalukuyang bumabagtas sa nasabing lugar ang ambulansya (SJS 623) na nanggaling sa Hungduan, Ifugao nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver na nagbunsod sa malagim na sakuna.
Agad na isinugod sa Bontoc General Hospital ang mga biktima pero nasawi ang dalawa sa kanila.
- Latest