Ex-sundalo, ‘killer’ ng Imam

BAGUIO CITY, Philippines – Matapos ang mahigit isang taon, isang dating sundalo ang tinukoy na ng pulisya na res­ponsable sa pagtumba sa isang kilalang Islamic religious leader sa lungsod.

Sa ulat, kinasuhan na ng murder sa Baguio City Prosecutor’s Office ang suspek na kinilalang si Joselito Fernando Vidad matapos na lumabas sa imbestigasyon na siya ang brutal na pumatay kay “Imam” Bedejim Ab­dullah, 55, noong Disyembre 2018 na naganap sa harap ng Islamic education institute sa Kayang St, ng nasabing lungsod.

Ayon kay Baguio City police director Col. Allen Rae Co, si Vidad ay nakilala sa pamamagitan ng CCTV footages at ng isang testigo, na nakasuot ng bonnet nang kanyang paulanan ng bala nang malapitan ang ulo at katawan ni Abdullah sanhi ng kanyang dagliang kamatayan saka tumakas.

Ayon sa mga awtoridad, si Vidad ay mula sa Zamboanga City at isang Muslim convert na sa unang teorya ng pulisya ay maaaring personal na alitan na walang kinalaman sa relihiyon o pagkakasalungat ng interpre­tasyon sa Qur’an ang motibo sa pamamaslang.

Nauna sa pagpatay, sinabi ng kasamahan ng biktima na si Imam Samsoden Monib, na may natatanggap na death threats ang una mula sa fundamentalist Islamic group.

Si Imam Abdullah na kilalang mahinahon ay nagturo ng theology ng 17 taon sa Philippine Military Academy­, nagsilbing chairman ng Regional Advisory Council (RAC) ng Cordillera Police at chaplain ng Bureau of Jail Management and Penology.

 

Show comments