Love triangle: 1 utas, 2 grabe

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Isa ang patay habang dalawa ang sugatan dahil sa pinaniniwalaang “love triangle” matapos na barilin ng isang 42-anyos na binata ang isang mag-live-in partner bago siya nagbaril sa sarili makaraang magtalo sa harap ng Tang Tonio’s Restaurant sa Brgy. Central, Donsol, Sorsogon kahapon ng umaga.

Nasawi noon din si Sofima De Borja Pedragosa, 35-anyos, habang sugatan ang kanyang kinakasamang si Agosto Pentang Alim, 50-anyos, pawang residente ng nasabing barangay at nasa kritikal na kondisyon naman ang suspek na si Joseph Aparicio Lovenario, 42-anyos, residente ng Brgy. Gura, nasabing bayan matapos na magtangkang magpakamatay.

Sa ulat ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-7:15 ng umaga, nakita pang nag-uusap ang tatlo sa harap ng Tang Tonio’s restaurant. Gayunman, ilang sandali ay nagkaroon na ng mainit na pagtatalo dahil sa personal na alitan sina Lovenario at Alim dahilan para biglang bumunot ng baril ang una at pinutukan ang huli na tinamaan sa leeg at kamay. Pumagitna naman si Pedragosa para umawat pero pati siya ay binaril sa likod ng suspek.Nang bumulagta ang magkasintahan, pumasok sa loob ng nasabing restaurant ang suspek at nagbaril sa kanyang sarili.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, isa sa tinututukan ay ang posibleng anggulong love triangle. Nakuha sa lugar ang kalibre 38 baril ng suspek at limang basyo ng bala.

Show comments