MANILA, Philippines — Nag-alok na ng pabuya ang Philippine National Police (PNP) sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng dalawang suspek sa pagpatay sa radio broadcaster na si Dindo Generoso sa Dumaguete City.
Sinabi ni Negros Oriental Provincial Police Office chief P/Colonel Julian Entoma na patuloy pa ring nakalalaya ang dalawang suspek sa pagpatay kay Generoso na sina Police Corporal Roger Rubio at ang sinasabing gambling lord na si Tomacino Aledro.
Ang halagang P80,000 na pabuya ay mula umano sa isang concerned citizen at maaari pa ring tumaas ito kapag maraming donor ang nagbigay.
Nabatid na nagtalaga na ng limang grupo na siyang tutugis at hahanap sa kinaroroonan ng mga suspek na pumatay kay Generoso noong Nobyembre 7 sa Barangay Piapi.
Nilinaw ni Entoma na bukod sa anggulong may kinalaman sa kanyang propesyon, posibleng tungkol sa pulitika at away sa lupa ang mga tinitingnang anggulo sa pagpatay sa brodkaster.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Bureau of Immigration (BI) upang mabatid kung nakalabas na ng bansa si Aledro habang kinasuhan na ng murder ang iba pang suspek na pumatay kay Generoso.