MANILA, Philippines — Sa loob lamang ng 12 oras, matagumpay na natukoy at nadakip ng mga awtoridad ang dalawang suspek kabilang ang isang dating pulis sa pagpatay sa radio broadcaster na si Dindo Generoso sa lungsod ng Dumaguete, Negros Oriental noong Huwebes.
Ayon kay Police Brig. Gen. Valeriano de Leon, regional director ng Central Visayas Police, unang nasakote sa Brgy. San Jose, Brgy. Banilad, Dumaguete City bandang alas-5 ng hapon si Glenn Cor-same, dating idineklarang AWOL mula sa Negros Oriental Provincial Police Office (PPO) na kasama sa umano’y pagpatay kay Generoso, 67-anyos, blocktimer ng Bai Radio 96.7 DyEM-FM Station.
Sumunod namang naaresto alas–7 ng gabi ang suspek na si Teddy Reyes Salaw, 44, ng Brgy. Bantiguel, Dumaguete City na nakum-piskahan ng isang cal. 45 pistol Norinco na may 8 rounds ng bala.
Sina Corsame at Salaw ay pawang tauhan umano ng isang “powerful politican” sa Negros.
Tinutugis pa ang umano’y nagsilbing gunman na kinilalang si PO2 Roger Rubio, miyembro ng 1st Police Mobile Force Company ng Negros Oriental PPO.
Sa pahayag ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Usec. Joel Egco, ang matin-ding koordinasyon ng PTFoMS at ni PRO7 director Brig. General Valeriano de Leon ang naging daan para sa agarang pagkakalutas ng nasabing kaso. Aniya, ang mga nakuhang CCTV footages sa lugar ng krimen ay nakatulong upang matunton ang sasakyan ng mga suspek sanhi upang matukoy si Salaw, nagsilbing driver ng motorsiklo, sa Batinguel, Dumaguete City. Nagtangka pa umanong manlaban si Salaw gamit ang baril nito nang masukol ng mga awtoridad habang ka-text sa cellphone si Corsame kaugnay sa ginawa nilang pagpatay kay Generoso. Nakuha kay Salaw ang helmet na nai-match ng pulisya sa suot ng isa sa mga sus-pek na nahagip ng CCTV.
Magugunita na pinagbabaril si Generoso ng mga suspek lulan ng motorsiklo habang nagmamaneho ng kanyang Hyundai Elantra (YKU-946) dakong alas-7:25 ng umaga sa Brgy. Piapi, nasabing lungsod kamakalawa.
Si Generoso ay isang hard-hitting radio broadcaster na nagsumite ng certificate of candidacy (COC) sa mayoralty race pero idineklarang “nuisance candidate” noong 2016 national at local elections.
Kaugnay nito, pinapurihan ni PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang mga tauhan sa maagang pagkakaresolba ng krimen.