LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Bulagta ang 22-anyos na magsasaka habang sugatan ang kanyang umaawat lang na kaibigan matapos silang pagbabarilin ng nag-iisang suspek habang naglalakad sa Sitio Ki-Buchi, Brgy. Cueva, San Pascual, Masbate kamakalawa ng umaga.
Dead-on-the-spot dahil sa dalawang tama ng punglo sa katawan ang biktimang si Rex Navarro Ursal habang nagpapagaling ng kanyang sugat ang kaibi-gang si Robert Alvarado Salvador, 34-anyos, pawang nakatira sa naturang barangay.
Tinutugis naman ang tumakas na suspek na si Joseph Cuervo. Sa ulat, habang naglalakad si Cuervo nang mapagtripang batuhin ng sapatos ng biktimang si Ursal na ikinagalit ng una. Dahil dito, agad binalikan ni Cuervo si Ursal saka sinuntok. Nasundan ng suntukan ang dalawa kung kaya nagtangkang umawat si Salvador pero biglang bumunot ng baril si Cuervo at binaril ang una saka isinunod na pinagbabaril hanggang sa bumulagta si Ursal.
Namatay noon din si Ursal at tumakas ang nasabing suspek. Isinugod naman ng mga saksi sa San Pascual Rural Health Unit si Salvador.