Mag-utol nagduwelo ng patalim, kapwa todas

Sa report ni Master Sergeant Richie Roger Hernandez, dakong alas-7:30 ng gabi nang sugurin ni Bernardo Semana Jr., 27, ang kuyang si Jhonvy, 45, sa bahay nito tangan ang dalawang patalim.

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan , Philippines — Kapwa pa­tay ang magkapatid matapos nilang katayin ang isa’t isa kasunod ng duwelo ng patalim sa Brgy. Taggat Sur, Claveria, Cagayan noong Linggo.

Sa report ni Master Sergeant Richie Roger Hernandez, dakong alas-7:30 ng gabi nang sugurin ni Bernardo Semana Jr., 27, ang kuyang si Jhonvy, 45, sa bahay nito tangan ang dalawang patalim.

Ayon kay Hernandez, sinubok pakalmahin ng nakatatandang Semana ang kapatid subalit inundayan siya nito ng saksak na kanyang ikinasugat sa kanang braso.

Dahil dito, nagdilim ang paningin ni Jhonvy at nauwi ang eksena sa habulan hanggang humantong ang dalawa sa loob ng tahanan ng kapitbahay kung saan sila nagpambuno at nagsaksakan. Kapwa nakahandusay ang dalawa sa sahig na duguan at tadtad ng saksak nang dumating ang mga nagrespondeng pulis dahil walang nanghimasok na umawat sa takot na mada­may sa naghaharing poot ng mag-utol. 

Isinugod ang magkapatid sa ospital subalit idineklara silang dead-on-arrival.

Lumalabas na may dati na umanong alitan ang magkapatid na posibleng dahilan ng kanilang mu­ling bangayan na nauwi sa kamatayan.

Show comments