MANILA, Philippines – Apat na terorista kabilang ang isang Swedish national na nasa likod ng pambobomba sa pamilihang bayan ng Isulan, Sultan Kudarat na ikinasugat ng pito katao noong Setyembre 7, ang nasakote sa operasyon ng militar at pulisya sa Brgy. Kapaya, Bagumbayan, nasabing lalawigan, iniulat kahapon.
Kinilala ni AFP Westen Mindanao Command Chief Lt. Gen Cirilito Sobejana, ang mga nasakoteng suspek na sina Hassan Akgun, isang Swedish na hinihinalang kapanalig ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS); Abedin Camsa, Normia Camsa at Noshiya Camsa; pawang magkakamag-anak.
Ayon naman kay Western Mindanao Command (Westmincom) Spokesperson Major Arvin Encinas, naaresto ang mga suspek ng puwersa ng Joint Task Force Central ng militar at pulisya pasado alas-5:00 ng hapon noong Lunes. Nakumpiska rito ang isang M15 rifle na may magazine na naglalaman ng 27 bala, isang cal. 45 Colt magazine na may 11 bala; isang cal. 38 revolver, isang shotgun, isang improvised explosive device at 13 cellular phones, 2 galon ng powder substance; 2 machine timers; apat na 9-bolts battery; yellow bulb; switch; at backpack na naglalaman ng ISIS flag, 3 led bulbs, 2 USB, resistor, at 5 assorted wires. Rhoderick Beñez