MANILA, Philippines — Pitong pinaghihinalaang miyembro ng “Baklas Bubong” robbery gang ang napatay makaraang kumasa at makipagbarilan umano sa mga operatiba ng pulisya sa Brgy. Banyaga, Agoncillo, Batangas nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni Calabarzon Director P/Chief. Supt. Edward Carranza, dakong alas-4:45 ng madaling araw nang mangyari ang engkuwentro sa pagitan ng mga operatiba ng pulisya at mga suspek na kasalukuyan pang inaalam ang kanilang pagkakakilanlan.
Ang Baklas Bubong robbery gang ay responsable umano sa mga nakawan sa mga feed mills sa Batangas at mga karatig lugar.
Ang modus operandi ng mga suspek ay ang baklasin ang bubong ng mga establisimyento, mga bahay at iba pa na kanilang dadaan para magnakaw.
Nauna rito, umiwas sa checkpoint ng pulisya ang mga suspek lulan ng kulay puting Toyota Hi Ace van (TTH-344) sa bayan ng Laurel at binangga pa ang signage dito saka mabilis na pinaharurot ang kanilang behikulo sanhi upang habulin ng mga operatiba sa direksyon ng Agoncillo.
Dahil dito, ipinag-utos ng Agoncillo Police ang lockdown sa lugar. Nang malapit nang maabutan ang mga suspek sa Brgy. Banyaga ay agad nilang pinaputukan ang mga pulis sanhi ng shootout.
“Sinasalubong nila yung isang mobile patrol ng Agoncillo at doon ?pinutukan nila yung Mahindra patrol natin, so nagkaroon ng palitan ng ?putok. So neutralized ‘yung 7. Mayroong limang baril doon nandun din yung mga gamit nila sa pagbaklas ng bubong,” ayon naman kay Batangas Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Edwin Quilates.
Narekober sa lugar ang limang baril na gamit ng mga suspek, electrical grinder at cutting tools sa loob ng behikulo.