Kawani ng mayor kinuyog, pinalo ng baseball bat, patay

TUGUEGARAO CITY, Cagayan  , Philippines  —  Isang kawani ng munisipyo ang nasawi matapos kuyugin at paluin ng baseball bat sa ulo ng grupo ng isang traysikel  na kanyang sinita habang nagrerebolusyon ng sasakyan malapit sa opisina ni Mayor Ralph Lantion sa Bayombong, Nueva Viscaya kamakalawa.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Versalito Cachero, 32, nakatalaga sa General Services Office sa pamahalaang bayan.

Sa imbestigasyon, sa halip na ihinto ay lalo pang pinaandar at pinatunog ng hindi natukoy na suspek ang traysikel nito nang sitahin siya ni Cachero dahil nakakabulahaw na sa tanggapan ng alkalde dakong tanghali.

Nairita ang suspek at umalis pero nang bumalik ay may mga kasama na at pinagtulungang gulpihin si Cachero na noon ay kumakain sa isang burger stand.

 Nanawagan naman si Mayor Lantion sa mga nakasaksi na tumulong upang matukoy ang mga pumatay sa kanyang kawani.

Show comments