MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng pulisya matapos masakote ang tatlong pinaghihinalaang big time drug pushers na nasamsaman ng nasa P42.1 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na anti-drug operations sa mismong araw ng Pasko sa Cebu City kamakalawa.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO)-7 Director P/Chief Supt Debold Sinas, kinilala ang mga nasakote na sina Reji Abesia, 24; Michael Ceniza, 39 at Remelyn Fernandez, 33.
Ayon sa pulisya, pinakamarami ang nakumpiskang droga kay Abesia na nasa P40.8 milyon na nakalagay sa malalaking plastic sa isinagawang pagsalakay sa kanyang tinutuluyang bahay sa Brgy. Basak Pardo. Inuupahan lamang nito ang nasabing bahay na ginagawa umano nitong drug den bagama’t siya ay talagang residente ng Brgy. Pasil, Cebu City.
Sa kabila nito, itinanggi ni Abesia na sa kanya ang bulto ng drogang nakumpiska ng pulisya sa pagsasabing courier lamang siya ng isang alyas Lebron na sinusuwelduhan ng P2,500 kada linggo kung saan nasa 50 kilo na umano ng shabu ang kanyang naibebenta.
Sa kasunod na buy-bust operation, nasakote naman sa Brgy. Pasil ang dalawa pang umano’y drug pushers na sina Michael Ceniza at Remelyn Fernandez na nakumpiskahan ng P1.3 milyong halaga ng shabu na nakasilid sa dalawang malalaking plastic.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000 ang mga nasakoteng drug suspect.