Catriona bibigyan ng hero’s welcome

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Naghahanda na ang pamahalaang lokal ng Albay para kay Miss Universe 2018 Catriona Elisa Gray matapos ang kanyang pagkapanalo sa world beauty competition na ginanap sa Bangkok, Thailand kahapon.

 

Sumabog ang tuwa ng mga kababayan nito sa pangunguna ng mga lokal na opisyal na nanood sa malaking TV monitor sa covered court ng bayan ng Oas matapos koronahan bilang Miss Universe 2018 si Gray. Napa­sayaw pa at lumukso sa malaking tuwa si Mayor Domingo Escoto Jr., kasama ang mga kababayang pumuno sa co­vered court makaraang banggitin ang Pilipinas na siyang nanalo sa Ms. Universe 2018.

Ayon kay Mayor Escoto, walang kapantay na kaligayahan ang kanilang nararamdaman ngayon sa pagkakapa­nalo ni Catriona na anak ng kanilang kababa­yang si Normita Ragas Magnayon na dalawang beses nang nagbigay ng malaking karangalan sa kanilang bayan. Una ay noong manalo si Catriona bilang Ms. World 2016 at pangalawa ay ngayong kinoronahan siyang pang-apat na Miss Universe ng Pilipinas.

“Hindi lang karangalan kundi inilagay pa sa World Map ni Catriona ang bayan ng Oas,” ani Mayor Escoto.

Dahil dito, nagbabalak ang lokal na opis­yal na magpagawa ng self image (portrait) ni Catriona na ilalagay sa sentro mismo ng munisipyo para marami pa ang makakilala na isang “Oasnon” ang bagong Ms. Universe at inihahanda na nila ang hero’s welcome para kay Catriona. Nuong ini-uwi umano ni Catriona sa bayan ng Oas ang korona ng Ms.World 2016 ay inilibot nila ito sa buong bayan sa pa­mamagitan nang ginawang parada at nga­yong siya ang hinirang na Ms.Universe ay mas malaking paghahanda ang kanilang gagawin.

Show comments