MANILA, Philippines — Isa na namang police colonel ang nasawi matapos na tambangan at pagbabarilin ng ‘di pa kilalang gunman sa loob mismo ng Misamis Oriental Provincial Capitol compound sa Luna St., Cagayan de Oro City, Misamis Oriental kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Supt. Michael John Deloso, deputy chief ng Regional Police Strategy Management Unit sa Police Regional Office 10 sa Camp 1Lt. Vicente Alagar sa Barangay Lapasan.
Batay sa ulat, dakong 9:45 ng umaga habang minamaneho ni Deloso ang isang puting van mula sa isang korte malapit sa Misamis Oriental Provincial Capitol nang mangyari ang pamamaril. Nakasuot pa ang biktima ng PNP search and rescue uniform nang kanyang ihatid ang misis sa kalapit na hospital kung saan nagtatrabaho bilang doktor nang maganap ang insidente.
Tadtad ng tama ng bala ang sasakyan ng opisyal mula sa kalibre .45 na pistola.
Naisugod pa ang colonel sa Northern Mindanao Medical Center pero dahil sa 21 tinamong tama ng bala sa katawan ay binawian siya ng buhay.
Ayon sa kapatid ng biktima, wala silang alam na motibo sa krimen pero aminado siyang maraming nakaaway ang kanyang kuya na hindi nito idinetalye.
Ayon naman kay Supt. Mardy Hortillosa, ang tagapagsalita ng City Police na ang pagpaslang kay Deloso ay maituturing nitong “well-planned.”
Nabatid na si Deloso ay may kasong robbery/extortion sa Cagayan de Oro City na naaresto noong 2014 pero na-dismiss ito ng Ombudsman nitong nakalipas na taon at bunga nito ay napawalang sala siya sa kaso.