CAVITE , Philippines — Patay ang isang 21-anyos na binata habang kritikal ang angkas nitong babaeng estudyante makaraang sumalpok sa konkretong harang sa gilid ng kalsada ang sinasakyan nila habang bumabagtas sa kahabaan ng Brgy Bendita 2, Magallanes kahapon ng madaling araw.
Namatay habang ginagamot ang driver ng motorsiklo na si Teodolfo Antazo, 21, binata, ng Brgy. Poblacion 4, Magallanes, Cavite, habang inoobserbahan sa pagamutan ang backrider na si Sheena Balogna, 19-anyos, 4th year BS Criminology student ng Brgy. Poblacion 5, Magallanes, Cavite.
Sa ulat, alas-12:20 ng madaling araw habang minamaneho ng biktima ang kulay itim na Honda Wave 100 motorcycle at angkas nito ang nasabing kolehiyala nang mawalan ng kontrol sa manibela dahilan upang gumewang-gewang. Dahil sa may kabilisan ang kanilang takbo, tuluyang sumalpok ang motorsiklo sa concrete at steel barrier sa kalsada at kapwa tumilapon. Agad silang naitakbo sa Nuestra Señora De Guia Hospital subalit idineklarang patay ang binata.