MANILA, Philippines — Pitong katao na mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at karamihan ay magkakaanak ang nasawi habang nasa 40 pa ang nasugatan makaraang masangkot sa malagim na aksidente nang sumalpok ang kanilang sinasakyang dyip sa tatlong sasakyan sa highway ng Purok Bajada sa Brgy. Dao, Pagadian City Zamboanga del Sur, kahapon ng umaga.
Sa phone interview ng Pilipino STAR Ngayon kay P/Supt. Alvin Saguban, hepe ng Pagadian City Police, kinilala ang mga biktima na pawang idineklarang dead-on-arrival sa Mendero Hospital na sina Dato Genecan, Joleto Genecan, Ernesto Genecan, Mary Joy Genecan, Pacay Florencio Jr., Lenda Baowan at isang alias Macatolad.
Ang ilan sa mga sugatan na ginagamot sa nasabi ring ospital ay sina James Dagunog, Genlyb Dagunog, Beinvedio Dagunog, Nelda Dagunog, Vilma Puto, Neck Viton Puto, Lara Mae Gumitan, Gladys Siay, Jessa Mae del Rosario, Jailanie Dagunog, at driver na si Warlito Padaran.
Sinabi ni Saguban na sa inisyal na pagsisiyasat, bandang alas-11:15 ng umaga lulan umano ng kulay dilaw na dyip (JVH 576) ang mga benepisaryo ng 4Ps mula sa Barangay Cogonan nang pagdating sa nasabing bisinidad ay nawalan ng preno ang kanilang sasakyan.
Nahagip ng dyip ang tatlo pang mga kasalubong na sasakyan na kapwa nagtamo ng pinsala hanggang sa bumaliktad ang dyip dahil sa hindi na ito nakontrol ng drayber na ikinatilapon ng mga pasahero.