‘Oplan Rody’ sa N. Ecija nilinaw
PALAYAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Binigyang-linaw ng pamunuan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang mga panuntunan sa pagsasagawa ng mga operasyon sa mga tambay o “Oplan Rody” sa lalawigan.
Sinabi ni P/Senior Superintendent Eliseo T. Tanding, provincial director ng NEPPO, hindi lahat ng tambay sa lansangan ay kanilang huhulihin lalo na ang mga inosente at walang ginagawang masama o paglabag sa mga ordinansa ng kanilang bayan o siyudad.
Ipinaliwanag nito na ang “Oplan Rody” o Rid the Streets Of Drunkards and Youth ay pamamaraan ng pamahalaan upang mapigilang makapagsagawa ng krimen ang mga kawatan at iba pang masasamang loob sa lansangan.
Ito naman aniya ay ibabatay sa mga nakapasang ordinansa sa bawat munisipyo, lungsod at maging sa mga barangay gaya ang pagbabawal sa mga naglalasing sa kalsada na iimbitahan lang sila sa himpilan ng pulisya.
Panawagan ni Tanding, walang dapat na ikatakot sa mga kapulisan bagkus ay makipagtulungan upang mapuksa at maibsan ang karahasang naidudulot ng mga masasamang loob.
- Latest