Pekeng pulis arestado
MANILA, Philippines — Naka-uniporme pa nang arestuhin ng mga awtoridad ang isang pekeng pulis sa isinagawang operasyon sa Parang, Maguindanao, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat, kinilala ni Police Regional Office –Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) Director P/Chief Supt. Graciano Mijares ang suspek na si Jaded Mangondacan, nagpapakilalang si PO2 Marco Andrade Mangondacan.
Ayon sa opisyal, dakong alas-4:30 ng hapon nang masakote si Mangondacan ng mga tauhan ni Supt. Ibrahim Jambiran, hepe ng Parang Municipal Police Station (MPS).
Nakumpiska mula sa suspek ang pekeng PNP ID na may larawan pa nito na may name plate na PO2 Marco Mangondacan at isang 9 MM Glock 17 pistol.
Sa isinagawang beripikasyon ng tanggapan ni Supt. Rex Derilo, Acting Chief ng Regional Investigative and Detective Management Division (RIDMD) ng PRO-ARMM nadiskubreng impostor ito dahilan peke ang kaniyang mga rekord at pineke ang mga dokumento na pinatunayan ng isang testigo.
Nahaharap ngayon sa kasong usurpation of authority, illegal possession of firearms ang nasakoteng suspek.
- Latest