Probe sa madugong drug ops na ikinasawi ng 9, hirit ng MILF

KIDAPAWAN CITY  , Philippines  —  Hiniling ng Moro Islamic Liberation Front-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (MILF-CCCH) na maimbestigahan ang madugong anti-drug ­operation sa Sitio Biao, Brgy. Kilada, Matalam, North Cotabato na ikinasawi ng 9 katao kabilang na ang mga miyembro ng MILF-Bangsamoro Isla­mic Armed Forces (BIAF).

Sa kanyang sulat na ipinadala kay MILF Peace Implementing Panel Mohagher Iqbal na may petsang Mayo 28,  sinabi ni Butch Malang ang tumatayong pinuno ng MILF-CCCH na maliban sa mga nasawi, tatlong iba pa ang sugatan kasama ang isang babae.

Giit ni Malang, ang mga kasapi ng BIAF sa ilalim ng 105th Based Command ay una na umanong sumuko sa raiding team, dahilan para makumpiska ang kanilang mga armas. Nang madisarmahan, ay saka umano sila pinagbabaril ng mga operatiba.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Dadting Hassan, Muhamidin Hassan, Konne Hassan, Burrah Salping, Muhalidin Sal­ping, Tiyo Mantik, Orom Mantis, Deng Malunok at ang isa na kinilala lang sa pangalang Abu.

Dahil dito, sinabi ni BIAF Spokesman Von Al-Haq na maghahain siya ng “strong protest” sa kanilang counterpart na CCCH sa gobyerno.

Sa depensa naman ng mga otoridad, nanlaban umano ang mga armadong tauhan nina Kasan at Aban kung kaya napilitan silang paputukan na nagresulta ng barilan.

Show comments