ORANI, Bataan, Philippines — Inirereklamo ng mga magulang ng mga batang mag-aaral ang isang umano’y malupit na guro at kapatid nito dahil sa umano’y “pananakit” at matinding pagpaparusa sa kanyang mga estudyante.
Kinilala ni SPO1 Lalene Medina, hepe ng Women and Children Protection Center WCPC ang inireklamo na sina Arceli Maris, guro sa Kaparangan Elementary School, ng Brgy. Mambog Hermosa at kapatid na si Goidon Fabian, ng Brgy. Tapulao, Orani.
Hiniling na rin ng mga magulang kay Education Sec. Leonor Magtolis Briones na mapatalsik at makasuhan ang naturang guro.
Sa imbestigasyon ni PO3 Analiza Vergara ng WCPC, nangyari ang insidente ng school-year 2016-2017 at pinagbantaan umano ang mga bata na “papatayin” kapag magsusubong sa mga magulang.
Ayon sa tatlong mag-aral na kapwa nasa edad na 9, hindi nila umano makalimutan ang pananakit ng kanilang guro at kapatid nito nang sampalin, sabunutan, batakin ang kanilang buhok, kinukurot sa tagiliran hanggang sa dede, at kung minsan binubunot ang buhok ng kanilang patilya. Isa rin umano sa mag-aaral ang dinala sa CR ng guro nang magalit siya at kumuha ng timba na may lamang dumi saka inilublob ang buong mukha ng bata.