Pulis, 3 assets utas sa ambush!
4 pa sugatan
MANILA, Philippines — Isang pulis at tatlong police assets ang napaslang habang apat pa ang nasugatan makaraang paulanan ng bala ang kanilang behikulo ng mga armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng sindikatong kriminal na nauwi sa karahasang surveillance operation sa Brgy. Tampac 1, Guimba, Nueva Ecija nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na civilian assets na sina Rolando Sambrano, Alfonso Sambrano, Erick Fardo; pawang dead-on-the-spot sa insidente habang ang pulis na si PO2 Ruben Badongen ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Guimba General Hospital.
Ang mga sugatan ay nakilala namang sina PO3 Christopher Delfin, PO1 Mico Serrano, Raymundo Sambrano at Orlando Balmater.
Ang nasabing mga pulis ay pawang kasapi ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB)3.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus, dakong alas-6:45 ng gabi habang nagsasagawa ng surveillance operations ang mga elemento ng pulisya kasama ang mga civilian assets lulan ng kulay abong Toyota Hi-Ace Grandia van laban sa grupo ng suspek na si Jay-Ar del Rosario, lider ng notoryus na robbery/holdup gang at gun-for-hire na nag-o-operate sa Nueva Ecija nang tambangan at paulanan sila ng bala ng may 10 armadong suspect pagsapit sa nasabing lugar.
Ang mga suspek ay lulan ng kulay itim na Honda CRV, puting SUV na walang plaka at motorsiklo nang mag-overtake sa behikulo ng mga biktima at pinagbabaril.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45, cal 40, cal 5.56 at cal 7.62.
- Latest