MANILA, Philippines — Dinukot ng pitong armadong kalalakihan ang secretary ng isang fishing company sa Purok Maabiabihon, Poblacion, Malangas, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Laarni Bandi, 38 anyos, may-asawa, kalihim ng Cabeles Marine Product fishing company at residente ng Talusan, Zamboanga Sibugay.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 9, nangyari ang pagdukot sa biktima sa boarding house nito sa nasabing lugar bandang alas-6:30 ng gabi.
Sa kasalukuyan, wala pang grupong natutukoy ang pulisya na nasa likod ng pagbihag sa biktima pero hindi inaalis ang posibilidad na may kinalaman dito ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Sa imbestigasyon, habang nasa tinutuluyang boarding house na pag-aari ni Gng. Adelaida Bayno ang biktima nang biglang sumulpot at tinutukan ng baril at kaladkarin ng pitong armadong kidnapper. Agad siyang isinakay sa isang pump boat na kulay dilaw na nakadaong sa tabing dagat sa lugar kung saan namataan silang tumahak sa Muyong Island, Malangas, Zamboanga Sibugay.
Naglunsad na ng hot pursuit operations ang pinagsanib na elemento ng Zamboanga Sibugay Mobile Force Company, 44th Infantry Battalion 9 ng Phil Army, Maritime Group ng Philippine Navy at Regional Mobile Force 9 upang tugisin ang mga kidnappers at iligtas ang mga bihag.