Mayor, kawani ng munisipyo, itinumba
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Napatay ang 61-anyos na alkalde at kawani nito makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang kalalakihan habang nagi-inspeksyon sa proyekto ng kanilang munisipalidad sa naganap na karahasan sa Barangay Mabuti, bayan ng Marcos, Ilocos Norte kahapon ng umaga.
Kinilala ang napaslang na alkalde na si Marcos Mayor Arsenio Agustin na napuruhan ng tama ng bala sa ulo.
Nadamay din ang backhoe operator na kawani ng munisipyo na si Mark Valencia na nagtamo naman ng mga tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan na naisugod sa Josefa Edralin Marcos Hospital subalit idineklarang patay.
Sa pahayag ni P/Chief Insp. Dexter Corpuz, tagapagsalita ng Ilocos Norte PNP, naitala ang krimen bandang alas-11:40 ng umaga.
Nabatid na naglalakad ang alkalde mula sa nakaparada nitong sasakyan para inspeksyunin ang proyekto ng munisipyo nang sumulpot at pagbabarilin ito ng mga hindi kilalang lalaki.
Nagawa namang makaganti ng putok ng mga bodyguard ng alkalde na may ilang distansya ang layo pero mabilis na nakatakas ang gunmen.
Inalerto lahat ng yunit ng pulisya upang magsagawa ng dragnet operation para maaresto kaagad ang gunmen.
Base sa tala, nanalo noong nakaraang lokal na eleksiyon si Agustin laban sa dating alkalde na si Salvador Pillos na tinalo niya rin noong 2013.?
Bumaba sa puwesto si Mayor Agustin noong kalagitnaan ng 2013 makaraang idiskwalipika ng Comelec sa isyu ng kanyang citizenship na isinampa ni Pillos.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung saan kabilang sa sinisilip na anggulo ay hidwaan sa pulitika.
- Latest