TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines – Napatay ang 32-anyos na negosyante matapos itong barilin ng kainumang lolo dahil sa hatian sa napanalunan sa sabong sa Barangay Pacifico, bayan ng Marcos, Ilocos Norte kamakalawa. Kinilala ni P/Chief Insp. Dexter Corpuz, tagapagsalita ng Ilocos Norte PNP ang napatay na si Michael Bueno habang naaresto naman ang suspek na si Rolando Ferrer, 60, may-ari ng vulcanizing shop. ?Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagtalo ang dalawa kaugnay sa partihan sa napanalunan sa sabong hanggang sa barilin ng suspek ang kainumang biktima. Idineklarang patay si Bueno sa Sta. Teresita Hospital habang nadakip naman ng pulisya si Ferrer sa isinagawang follow-up operation. ?