Bodega ng Mighty ni-raid ng BOC

MANILA, Philippines -  Umaabot sa P3.2 bil­yong halaga ng sigarilyong Mighty na may mga pekeng tax stamp ang nasamsam makaraang salakayin ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang ma­laking bodega sa Barangay Matimbubong sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan kahapon.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang pagsa­lakay na naunang inins­peksyon ang apat na bodega sa bayan ng San Simon, Pampanga kung saan nasamsam ang P2-milyong halaga ng mga sigarilyong Mighty at Marvel na sinasabing produkto ng Mighty Corporataion na nakabase sa Malolos City, Bulacan.

Ayon kay Customs officer Joenel Pogoy, umaabot sa 160,000 pakete ng nasabing sigarilyo na bumagsak sa tax stamp verifier kung saan indikasyong hindi tunay ang mga tax stamp.

Ayon naman sa Bureau of Internal Revenue na gumagawa ng sariling tax stamp ang nasabing korporasyon.

Gayunman, ikinandado na ng mga awtoridada ang bodega ng Nazarene Trading kung saan nakaimbak ang kahung-kahong sigarilyo na may mga pekeng tax stamp.

Isinailalim naman sa monitoring ng mga opisyal ng BOC ang nasabing bodega at nakatakdang mu­ling kasuhan ng BIR ang nasabing kompanya

Naunang kinasuhan ng Bureau of Internal Re­venue noong Miyerkules (Marso 22) ang nasabing korporasyon ng kasong P9.5 bilyong tax evasion makaraang masamsam ang libu-libong kahon ng sigarilyo na may pekeng tax stamp na nakaimbak sa bodega sa Pampanga at General Santos City. 

Show comments