MANILA, Philippines – Labingtatlo-katao kabilang ang apat na heneral ng Philippine National Police ang nasugatan makaraang bumagsak ang sinasakyang chopper ng Phil. Air Force sa palayan sa Puerto Princesa City, Palawan kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng AFP Western Command (AFP-Wescom) bandang alas-2 ng hapon nang mangyari ang pagbagsak ng PAF Sokol 926 plane sa bisinidad ng Sitio Sabang, Brgy. Cabayugan.
Kabilang sa mga nasugatan ay sina P/Chief Supt. Wilben Mayor, regional director ng MIMAROPA; P/Chief Supt. Camilo Pancratius Cascolan, directorate for operations; P/Chief Supt. Nestor Bergonia ng National Operations Command sa Camp Crame, isa pang heneral na tinukoy lamang sa pangalang P/Chief Supt. Corpus at iba pa.
Sa imbestigasyon, nagsagawa ng aerial inspection at reconnaissance flight ang nasabing Sokol 926 plane ng PAF kaugnay ng nakatakdang pagsasagawa ng ASEAN Justice Conference sa Palawan.
Nabatid na habang nasa himpapawid ay nagkaroon ng depekto sa makina ang chopper kaya bumagsak ito sa maputik na bahagi ng palayan.