16 search warrant isinilbi: ‘Narco-mayor’ arestado sa raid

NORTH COTABATO, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng Anti-illegal Task Force ng Police Regional Office (PRO) 12 ang bahay ni Mayor Albert Palencia ng Banga, South Cotabato na napasama sa narco-list ni Pa­ngulong Duterte sa Purok Muslim, Barangay Punong Grande sa nasabing bayan kahapon ng madaling-araw.

Ikinasa ang drug raid operation ng pulisya pasado alas-2:00 ng madaling-araw bitbit ang 16 search warrant at pinasok ang bahay at iba pang ari-arian ni Palencia.

Ang nasabing search operation ay may kaugnayan umano sa eksplosibo, baril at ilegal na droga na itinatago ng alkalde.

Sa paghahalughog ng mga awtoridad, nakuha sa loob ng silid ni Palencia ang apat na bala ng 380 hand gun at narekober naman sa kanyang piggery ang isang rifle grenade. Wala namang nakuha na droga ang pulisya sa nasabing pagsalakay.

Matapos ang isinagawang paghalughog, dinala na sa regional office sa General Santos City si Palencia kasama ang isang lalaki  na nakilalang si Leonardo Corbes  matapos makuhanan ng isang kalibre .45 baril at isang magazine matapos na mapadaan lamang sa lugar nang mangyari ang operasyon.

Kapwa nahaharap sa kaso ang alkalde at ang naturang lalaki.

Kinumpirma naman ni Interior and Local Gov’t Secretary Mike Sueno na dahil sa naging subject ng raid ng pulisya si Mayor Palencia, ibig sabihin ay nasa 3rd narco- list siya ni Pang. Duterte.

Show comments