Bulacan mayor, 6 pa kinasuhan
BULACAN, Philippines - Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong frustrated murder sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bulacan si San Jose Del Monte City Mayor Reynaldo San Pedro at iba pa kaugnay sa pananambang kay City Engineer Rufino Gravador, Jr. noong Dec. 2, 2015 ng hapon sa bayan ng Santa Maria, Bulacan.
Kabilang sa kinasuhan ay ang kapatid ng alkalde na si Ricardo San Pedro, Councilor Reynaldo Policarpio at 4 na gunmen.
Nanindigan ang mga testigo na hawak ng NBI na si Mayor San Pedro umano ang nasa likod ng pag-ambush kay Gravador na nagtamo ng mga tama ng bala sa balikat, batok at likuran habang sakay sa kanyang sports utility vehicle (SUV).
“Dahil sa aking pagtestigo sa plunder case laban kay Mayor Reynaldo San Pedro, pina-ambush po ako sa ilang kalalakihan na may mahahabang baril,” base sa sinumpaang salaysay ng engineer.
Ang plunder na tinutukoy ay nag-ugat sa P300-milyong San Jose del Monte Government Center project na pinaniniwalaang overpriced.
Nasa sala na ng Ombudsman ang nasabing kaso at nananawagan si Gravador na lumabas na ang katotohanan sa lalong madaling panahon.
“Sana malutas agad ang kaso dahil mahirap ‘yung naitanim nilang takot sa akin at sa pamilya ko. Gustung-gusto na po namin bumalik sa normal ang buhay namin,” wika ng testigo.
Sa ngayon, sumasailalim si Gravador sa proseso ng Witness Protection Program ng Department of Justice sa tulong na rin ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
- Latest