Mag-asawa niratrat ng tandem

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Sugatan ang mag-asawang school principal makaraang ratratin ng riding-in-tandem gunmen na humabol sa kanilang motorsiklo sa libib na bahagi ng Sitio Casitsitan, Barangay Minanga sa bayan ng San Mariano, Isabela kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga biktima na si Jovelito Camba Jr., 52, principal ng Daragutan Elementary school at Josephine Camba, 54, principal naman sa Barangay Cataguing Elementary School. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Arnold Bulan, hepe ng San Mariano PNP, hinabol ng tandem ang motorsiklo ng mag-asawa saka sila  niratrat. Bagama’t sugatan ay nagawa pa rin ni Jovelito na patakbuhin ang motorsiklo patungo sa ospital. Narekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala ng cal. 9mm pistol habang blangko naman ang pulisya sa motibo ng pamamaril.

Show comments