OLONGAPO CITY, Philippines – Isang Koreanong turista ang nasawi makaraang malunod sa isang beach resort sa lungsod na ito kahapon. Ayon sa ulat ni Sr. Insp. Mar Joseph Ravelo, Station commander ng Police Station 1, ang biktima ay si Kim Myung Ho, 39, na nalunod sa Paradito Beach Resort sa Upper Kalaklan ng naturang siyudad. Sa ulat, habang magkasama sina Ho at kaibigang si Jewell David Supan lulan ng isang jetski, may 300 metro ang layo sa dalampasigan nang aksidenteng mahulog ang biktima sa tubig. Tinangka pang sagipin ni Supan si Ho subalit wala na siyang malay-tao nang madala sa pampang. Lasing umano ang biktima nang sumakay sa jetski at walang suot na life vest. Walang nakita ang pulisya na foul play sa pagkamatay ng biktima.