MANILA, Philippines – Patay ang 21-anyos na security guard habang sugatan naman ang kaniyang pinsan makaraang pagbabarilin ng nakaalitang tricycle driver sa kahabaan ng highway sa Barangay Mapolopolo, bayan ng Basista, Pangasinan kamakalawa. Idineklarang patay sa Family Doctors Hospital sa San Carlos City, Pangasinan ang biktimang si Delfin Quitaleg Jr. habang sugatan naman 16-anyos na si Darwin Quitaleg Jr. Samantalang nasakote naman sa follow-up operation ang suspek na si Wilfredo Collo, 56. Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pauwi na ang mga biktimang magkasamang lulan ng motorsiklo nang tambangan gamit ang shotgun pagsapit sa nasabing lugar. Narekober ng pulisya sa suspek ang shotgun na ginamit sa krimen.