NORTH COTABATO, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na drug peddlers matapos salakayin ng mga operatiba ng pulisya ang limang bahay na ginawang drug den sa Lapu-Lapu Street, Purok Krislam, Poblacion at Galas Subdivision sa Brgy. Kayaga sa bayan ng Kabacan, North Cotabato kamakalawa ng madaling araw.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Badrudin Gonsang, Allan “Odag” Esma, Fatima “Bado Oding” Encarnacion, Edgar Macabuat Gonsang, Arnold “Nold” Gonsang at ang tumatayong courier na si Eddie Flores Tuan.
Nasamsam ng mga tauhan ni P/Senior Insp. Ronnie Cordero, hepe ng Kabacan PNP ang 3 cal.45 pistol, siyam na magazine, iba’t ibang uri ng bala ng baril, Granada, 20 plastic sachet na shabu na nagkakahalaga ng P.8 milyon, dalawang digital weighing scale, marijuana, mga drug paraphernalia at P94,124.00 cash.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Arvin Sadiri Balagot ng Kidapawan City regional Trial Court Branch 12, naisagawa ang pagsalakay sa nasabing lugar.