CAVITE, Philippines – Napatay ang 33-anyos na lider ng sindikato matapos itong makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay Salcedo 2 sa Noveleta, Cavite kamakalawa ng gabi. Bandang alas-9 ng gabi nang salakayin ng pulisya na armado ng warrant of arrest sa kasong murder ang bahay ng suspek na si Clarito “Ite” Baillo sa nasabing barangay. Gayon pa man, natunugan ng suspek ang papalapit na pangkat ng pulisya kaya sumiklab ang barilan hanggang sa ito ay mapatay. Sugatan naman si PO2 Ronnie Balberan matapos tamaan sa kanang paa. Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, narekober ang mga basyo ng bala ng cal. 9mm pistol at isang cal. 45 pistol. Ayon sa pulisya, si Baillo ay sangkot sa serye ng nakawan at pamamaril sa ilang barangay sa nasabing bayan.