MANILA, Philippines – Apat na pinaghihinalaang notoryus na mga big time drug pusher ang napatay habang nakasamsam din ng hindi pa madeterminang halaga ng illegal na droga sa isinagawang malawakang anti-narcotics operation na nauwi sa shootout sa Tagum City, Asuncion at Sto. Tomas, Davao del Norte kahapon.
Sa ulat ni Sr. Supt. Samuel Gadingan, Director ng Davao del Norte Police Office (PPO), kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng apat na napatay na suspek.
Ang mga suspek ay mga pinaghihinalaang notoryus na tulak ng droga sa naturang mga lugar na tinutugaygayan ng pulisya matapos na makatanggap ng report hinggil sa talamak ng mga ito ng pagbebenta ng shabu.
Sa halip na sumuko sa arresting team ay nagpaputok ng baril ang mga suspek na nauwi sa shootout.
Dalawa sa mga suspek ay napatay sa raid sa Tagum City habang ang dalawa ay sa bayan ng Sto. Tomas at Asuncion.
Batay sa ulat, bandang alas-5:00 ng umaga ay nagsagawa nang sunud-sunod na drug raid ang mga otoridad sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group, Davao del Norte Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga Brgys. Magdum, Magugpo West, Mankilam at San Miguel; pawang sa Tagum City.
Naaresto rin ang marami pang mga suspek matapos na mahuli sa bisinidad ng operasyon na patuloy na iniimbestigahan kung may kinalaman sa pagtutulak ng droga.
Nabatid na ang operasyon ay follow-up operations matapos naman ang pagkakasamsam ng aabot sa P6M halaga ng shabu sa Magugpo West, Tagum City may ilang linggo na ang nakalilipas.
Patuloy ang imbentaryo sa nasamsam na mga bulto ng shabu.