2 apo inatado ng lolo

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Alitan sa mamanahing lupain ang isa sa motibo kaya pinagtataga ng 69-anyos na lolo ang kanyang dalawang apong lalaki sa kanilang bahay sa Barangay Usol, bayan ng Jones, Isabela kamakalawa ng gabi. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Benjamin Agcaoili, hepe ng Jones PNP, magkasamang nag-iinuman ang suspek na si Roberto Nimer at mga biktimang sina Ryan Ventura, 31; at Ronnie Molina, 39, nang sumiklab ang pagtatalo kaugnay sa hatian sa mamanahing lupain. Nagalit ang suspek sa dalawang apo kaya napilitang pagtatagain at saksakin kung saan kinaladkad pa palabas ng kanyang bahay ang mga biktima. Isinugod ng mga kaanak ang dalawa sa Prospero Bello Memorial Hospital habang sumuko naman kay Chairman Julio Batool ang suspek na hawak pa ang ginamit na pangkatay.

Show comments