2 driver patay sa salpukan ng sasakyan
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Dalawang driver ang kapwa binawian ng buhay matapos ang salpukan ng kani-kanilang sasakyan sa bayan ng Bambang ng lalawigang ito kamakalawa.
Isa sa mga nasawi ay nakilalang si Peter Daos, 34, ng San Andres, San Mateo, Isabela.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-8:00 ng umaga kamakalawa nang araruhin ng isang 10 wheeler trak na minamaneho ng nasawing si Daos ang isang nakaparadang tricycle na walang plaka sa kahabaan ng kalsada sa Barangay Banggot, Bambang.
Sa lakas ng impak, agad na nasawi ang driver ng tricycle na kasalukuyan ay kinikilala matapos siyang madaganan kasama ang tricycle nito ng may 600 na kaban ng mga feeds na karga ng trak matapos itong bumaliktad. Sugatan din ang pahinate ng trak na si Edison Barlan, 30, ng San Mateo, Isabela.
Lumalabas na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng trak sa pababang bahagi ng kalsada sanhi upang salpukin ang tricycle.
- Latest