MANILA, Philippines – Dalawang sundalong miyembro ng Peace and Development Team ang nasawi makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa liblib na lugar sa Lapaz, Agusan del Sur noong Biyernes.
Ayon kay 1st Lt. Krisnen Peter Sarsagat, Civil Military Operations Officer ng Army’s 26th Infantry Battalion (IB), naganap ang insidente sa Brgy. San Patricio, Lapaz dakong alas-8:20 ng umaga.
Sinabi ni Sarsagat na hindi armado, nakasuot ng sibilyan at wala sa combat operation ang dalawang sundalo na lulan ng motorsiklo para kunin ang kanilang subsistence allowance nang mangyari ang insidente.
Kinilala ang mga biktima na sina Pfc Rene Lantaga at Pfc Vic Aron ay kapwa dead-on-the-spot sa insidente sa rami ng tinamong tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan.
Natukoy naman na ang Guerilla Front Committee 88 ng NPA North Eastern Mindanao Regional Command ang nasa likod ng madugong pananambang.