BALANGA CITY, Bataan, Philippines – Napatay ang babaeng mamamahayag ng Abante at radio reporter matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tamdem assassins habang nag-aabang ng sasakyan sa Sitio San Rafael, Barangay Tuyo sa Balanga City, Bataan kahapon ng umaga.
Apat na tama ng bala sa dibdib at hita ang tumapos sa buhay ni Nerlita T. Ledesma, 47, may-asawa, kawani ng Bataan Provincial Capitol sa tanggapan ng Provincial Information Office, broadcaster sa 104.5 Fm Power Radio sa Balanga City, mamamahayag ng Abante at reporter din sa dzXL radio.
Si Ledesma na sinasabing ikatlong mamamahayag sa Bataan ang binaril at napatay ay tumatayo ring pangulo ng Tagnay Homeowners Association sa nasabing barangay sa loob ng dalawang taon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-aabang ng masasakyan ang biktima patungo sa kanyang opisina sa kapitolyo nang lapitan at ratratin ng tandem.
Sinasabing maraming tao ang nakasaksi sa pamamaril sa biktima subalit walang sinumang lumutang para isalarawan ang gunmen dahil sa takot na madamay.
Nabatid din na dalawang beses na pinagbabaril ng mga di-kilalang lalaki ang bubungan at pintuan ng bahay ng biktima may dalawang taon na ang nakalipas habang kinondena naman ng Malacañang at National Press Club ang ginawang pagpaslang sa lady reporter.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., inatasan na ni Pangulong Benigno Aquino lll ang PNP na tugisin ang mga nasa likod ng pagpaslang kay Ledesma upang mabigyan ito ng hustisya.
“Kinokondena at ikinalulungkot namin ang pagpaslang kaninang umaga kay Binibining (Nerlita) ‘Nerlie’ Ledesma ng pahayagang ‘Abante.”
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang mga anggulong alitan sa nasabing asosasyon at mga binanatan ng biktima sa radio at pahayagan ang isa sa motibo sa pamamaslang.
Si Lesedma ay ika-31 mamamahayag ang pinatay sa ilalim ng administrasyon ni PNoy habang ika-172 naman simula noong1986. Dagdag ulat nina Ludy Bermudo at Rudy Andal