BATANGAS, Philippines – Patay ang isang opisyal ng barko habang nakaligtas naman ang 19 na tripulante matapos lumubog ang cargo vessel sa karagatang sakop ng Batangas noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni Batangas Coastguard Commander Capt. Gregorio Adel Jr. ang biktimang si Chief Engineer Almarito Anciano na pinaniniwalaang tumama ang ulo sa bakal matapos itong lumundag mula sa lumulubog na barkong M/V Sea Merchant.
Nabatid na naglalayag ang nabanggit na barko mula sa pantalan ng Bauan, Batangas patungong Antique nang hampasin ng malalakas na alon at hangin pagsapit sa may layong 5 nautical miles ng Malabrigo lighthouse sa bayan ng Lobo, Batangas bandang alas-4 ng hapon.
Sa nakalap na impormasyon mula sa Phil. Coast Guard, pag-aari ng Sea Fortune Carrier ang nasabing barko na naglalaman ng 20,000 bags ng semento at 20 tripulante.
Agad na nailigtas ang 11-tripulante ng mga tauhan ng cargo vessel MT Mactan habang nasagip ng MV Divina Gracia ng Montenegro Shipping Lines ang walong iba pa. Arnell Ozaeta