Motorsiklo vs kotse: Magpinsan dedo

CAVITE, Philippines – Kapwa hindi na umabot ng pagamutan ang magpinsan matapos na mapuruhan sa naganap na aksidente, makaraang masalpok ng kotse na minamaneho ng isang Koreano ang motorsiklo na sinasak­yan ng mga una sa kaha­baan ng Tagaytay Road, Brgy. Putting Kahoy, Silang Cavite, kamakalawa.

Nakilala ang mga nasawi na sina Mark Libato, 27  at Allan Libato, 22,  kapwa residente ng Imperial Homes, Brgy. Tartaria, Silang Cavite.

Nakilala naman ang Koreanong suspek na si Gun Ho Cho, 21,  ng Don Antonio, Commonwealth, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PO1 Rolando Cabrera, alas -2:10 ng madaling araw ng maganap ang insidente, habang magkaangkas ang magpinsan sa Honda Motorcycle (HG 3802) na minamaneho ni Allan at bumabagtas sa nasabing lugar patungong Tagaytay road  habang ang Koreano ay nagda-drive ng kanyang kotse (TIN 599) patungo ng Sta Rosa Road, pasalubong sa mga biktima.

Kumabig umano pakaliwa ang kotse ng suspek dahilan upang masakop nito ang kabilang lane ng kalsada kung kaya sumalpok  sa motor ng mga biktima. Sa lakas ng impact ay tumilapon ang magpinsan at lumagapak sa sementadong kalsada na naging sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Hawak naman ng pulisya ang Koreano at inihahanda ang kasong Reckless imprudence resulting to double homicide and damage to property.

Show comments