4 Koreano tiklo sa pot session

MANILA, Philippines - Kalaboso ang apat na Koreano makaraang maaktuhang humihitit ng pinatuyong dahon ng marijuana sa videoke bar sa Angeles City, Pampanga kamakalawa. Kinilala ni P/Senior Supt. Eden Ugale, Angeles City PNP director ang mga suspek na sina Kim In Soo, Chin Woo Seong, Kim Mean Seong at si Jeong Jin Bain na pawang nakatira sa Timog Park, Barangay Cutcut sa nabanggit na lungsod. Bandang alas-11 ng umaga nang masakote ang mga Koreano na naaktuhang humihitit ng marijuana sa loob ng videoke bar sa kahabaan ng Don Juico Avenue sa nasabing lungsod. Nasamsam sa pag-iingat ng mga suspek ang 14 sticks ng marijuana na isinailalim na sa laboratory analysis ng Angeles City Police Crime Laboratory. Iginiit naman ng mga suspek na halamang gamot umano ang kanilang hinihitit na pinahihintulutan sa South Korea.

Show comments