MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang matinding depresyon ang nagtulak sa 20-anyos na pasahero na magpatiwakal matapos itong tumalon mula sa sinasakyang barko sa karagatan ng bayan ng Baleno, Masbate kamakalawa ng tanghali.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang namatay na si Aljun Padera ng Palanas, Masbate.
Bandang alas-11:41 ng umaga nang lumundag ang biktima mula sa sinasakyang Elavil Bus Corp na nakalulan sa M/V King Frederick (roro vessel) sa karagatan ng Sitio Bagabawug sa Brgy. Magdalena.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga tripulante kung saan may ilang oras din pinaghahanap ay narekober din ang bangkay ng biktima.
Sa tala ng pulisya, ang biktima ay ika-13 sa mga pasaherong tumatalon sa barko bunga ng hindi makayanang problema.