MANILA, Philippines – Tila lalong lumalabong makamit ang hustisya ng mga kamag-anak ng mga biktima ng Maguindanao massacre matapos tambangan ang isang testigo sa bayan ng Shariff Aguak kahapon.
Nakilala ang biktimang si Denix Sakal, dating tsuper ng principal massacre suspect Andal Ampatuan Jr., na nasawi matapos magtamo ng iba't ibang tama ng bala sa katawan
Samantala, isa ring testigo na si Sukarno Saugdagal ang ngayon ay nagpapagaling sa ospital matapos makaligtas sa pananambang.
Ayon sa imbestigasyon, patungo sanang bayan ng Tacurong ang mga biktima upang makipagpulong sa mga abogado nang maganap ang krimen bandang alas-8 ng umaga sa Barangay Bagong sa Shariff Aguak.
“I’m convinced the attack was meant to silence these new prosecution witnesses for good,” pahayag ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu.
Kabilang ang asawa ni Mangudadatu sa mga nasawi, kasama pa ang higit 30 mamahayag nang mangyari ang karumaldumal na krimen noong Nobyembre 23, 2009.