Toddler nabaril ng 9-anyos kritikal

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang 1 anyos at 7 buwang gulang na batang babae makaraan itong aksidenteng mabaril ng isang 9 anyos na bata habang naglalaro sa naganap na insidente sa Brgy. Calabasa, Zamboanga City kamakalawa.

Patuloy na isinasalba ang buhay sa Zamboanga City Medical Center ang biktimang si Andrea Jane Casimiro, residente ng nasabing lugar sa tinamong tama ng bala sa dibdib.

Inimbitahan naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na itinago sa pangalang Grace ng Pagadian City kasama ang guardian nitong si Josephine Casimiro, 32, at  kinumpiska ang  boga, improvised na baril na siyang ginamit sa pagbaril sa biktima. Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9 naganap ang insidente sa nasabing lugar dakong alas-8:20 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang naglalaro ang batang suspek kasama ang ilan pang bata sa bakuran ng  pamilya Casimiro  nang makita ng una ang nakatagong boga sa lugar na kinalabit nito bunsod upang aksidenteng tamaan sa dibdib ang biktima. Joy Cantos

 

Show comments