‘Mangkukulam’ sinilaban
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nasa malubhang kalagayan sa pagamutan ang isang 62 anyos na lola na pinararatangang magkukulam sa kanilang lugar matapos na sabuyan ng gasolina at silaban ng isang lalaki sa Salvacion St. Brgy. Canlubi , Virac, Catanduanes nitong Sabado.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Eastern Bicol Medical Center ang biktimang si Merly Tioxon, may asawa, residente sa naturang lugar.
Pinaghahanap naman ang tumakas na suspek na kinilalang si Marjal Pacay, 39 may-asawa, isang fish vendor at kapitbahay ng biktima .
Sa report ni Sr. Supt. Adelio Castillo, Provincial Director ng lalawigan bandang alas-7 ng umaga nang maganap ang insidente habang naglalakad ang matanda sa nasabing lugar.
Bigla na lamang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing sinabuyan ng gasolina sa mukha ang matanda saka sinindihan ng lighter bunsod upang magtamo ito ng 3rd degree burn. Lumilitaw sa imbestigasyon na may matinding galit ang suspek sa matanda dahilan sa pagkamatay ng kaniyang kapatid na hinihinala sanhi ng kulam.
- Latest