MANILA, Philippines – Tatlo katao ang iniulat na nasawi habang isa pa ang nawawala sanhi ng Low Pressure Area (LPA) na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan sa mga apektadong lugar sa bansa simula pa noong Agosto 30, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.
Kinilala ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama, ang mga nasawi na sina Esperanza Cabanilla, 84; Richard Sumalhay, 40 at Rodencio Kailaw, 42.
Nawawala naman si Nelson Demaclid, 40, na tinangay naman ng umapaw na tubig sa spillway sa Brgy. Manlaoyan, Gangao Libonga, Bukidnon.
Naitala naman sa 803 pamilya o kabuuang 3, 770 katao ang apektado ng LPA sa 15 barangay sa lungsod ng Cagayan de Oro at mga lalawigan ng Bukidnon at Misamis Oriental.
Sa nasabing bilang ay nasa 162 pamilya o kabuuang 558 katao ang kinukupkop sa 10 evacuation centers.
Samantala, nasa 126 namang kabahayan ang nasira sanhi ng mga pagbaha at landslides sa mga apektadong lugar sa lungsod ng Cagayan gayundin sa mga probinsya ng Misamis Oriental at Bukidnon.
Patuloy naman ang panawagan ng mga lokal na opisyal partikular na mula sa disaster agencies sa mamamayan na isagawa ang kaukulang pag-iingat.