Kawani ng munisipyo, itinumba

BULACAN , Philippines  -  Napatay ang 54-anyos na kawani ng munisipyo habang sugatan naman ang kasamahan nito makaraang pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa Barangay Bambang, bayan ng Bulakan, Bulacan kahapon ng umaga.

Naisugod sa Gen. Gregorio Del Pilar Memorial Hospital subalit idineklarang patay si Eduardo Martinez ng Barangay Bambang habang sugatang nakaligtas naman ang kapwa nito kawani na si Angelito Buluran, 44, ng Barangay Matungao.

Sa imbestigasyon nina PO3 Rogelio Cruz at PO3 Jake Malinawan, lumilitaw na sinundo ng dalawa ang kanilang boss na si Dr. Reynaldo Gloria.

Habang nakatayo sa labas ng bahay ay lumapit at niratrat ng di-kilalang lalaki ang biktimang si Martinez kung saan tinamaan naman ng ligaw na bala si Buluran.

Nakarekober sa crime scene ang 6-basyo ng bala ng baril habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.

 

Show comments