P37-M substandard steel products, nasamsam
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P37-milyong halaga ng substandard steel products ang nasamsam sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay Banlic, bayan ng Cabuyao, Laguna kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior. Supt. Felipe Natividad, regional chief ng CIDG Region IV A na isinumite kay PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, sinalakay ng pulisya ang bodega ng negosyanteng Tsinoy sa nasabing bayan.
Arestado ang 11-katao kabilang ang limang Tsino na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan habang isinasailalim pa sa imbestigasyon.
Nasamsam sa operasyon ang bultu-bulto at iba’t ibang uri ng mga bakal, angle bars at nirolyong bakal na iba’t-iba ang sukat.
Ang raid ay base sa search warrant na inisyu ng Cavite Regional Trial Court laban sa South Luzon Steel Industrial Corporation na pagmamay-ari ng negosyanteng si Luis Go na nagkataong wala sa lugar ng isagawa ang raid.
Samantala, nakipagkoordinasyon na rin ang PNP-CIDG sa Bureau of Immigration and Deportation kaugnay naman ng pagkakadakip sa limang Tsino.
- Latest